Inihayag muli ng Malacañang nitong Linggo na nagtitiwala ito sa kahandaan ng Commission on Elections sa palapit na Mayo 13 eleksyon.
Iginiit ito ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte matapos ihayag ng Comelec na hindi na nito kailangang magsagawa ng isa pang mock polls para sa eleksyon sa Mayo 13.
“At this point we expect the Comelec to be able to carry out their mandate for a safe and peaceful election on 13 May. We leave it up to them how best to carry out that mandate,” aniya sa government-run dzRB radio.
Gayunpaman, ayon sa kanya, lubos na umaasa ang Palasyo at ang publiko na magtatagumpay ang Comelec sa trabaho nitong magsagawa ng malinis na eleksyon sa Mayo.
Nauna nang inihayag ng Comelec na hindi na ito magsasagawa ng isa pang mock election matapos makatanggap ng positibong rebyu mula sa Technical Evaluation Committee (TEC).
Sa panayam ng Manila Bulletin, sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na wala nang isasagawang mock poll matapos ang naunang isinagawa noong Pebrero 2.
Ayon kay Brillantes, siniguro ng TEC na ang automated elected system ay tatakbo "properly, securely, and accurately." — Amanda Fernandez/BM, GMA News