LUNGSOD NG BALANGA, Bataan, Dis. 5 (PIA) -- Naghahanap ka ba ng mga pambihirang ibon at masasayang outdoor activity?
Kung gayon, sumama na sa libu-libong mga bird-watching enthusiast, mag-aaral at turista na dadagsa bukas sa Balanga City Wetland and Nature Park (BCWNP) para sa 3rd Ibong Dayo Festival.
Sa temang “Ibong Dayo, Katuwang ng Turismo,” itatampok sa pagdiriwang ang sari-saring aktibidad para sa mga bata, mag-aaral ng high school at kolehiyo, at mga bisita na gaganapin sa nasabing 11-ektaryang coastal park sa Brgy. Tortugas.
Para sa mga bata, magsasagawa ang City Tourism Office ng mga activity session mula 10 n.u hanggang 5 n.u kabilang ang bird origami, face painting, pagkukulay ng larawan ng mga ibon, at draw-a-bird session. Lalahok naman sa bird painting exhibit ang mga estudyante ng high school at kolehiyo.
Maaari namang sumali ang mga bisita sa mangrove plating, bird-kite flying, Take-a-Peek, Have-a-Shot activity, bird-watching, at sa Pick-a-Trash, Save-the-Environment. Isasagawa naman ng Department of Trade and Industry-Bataan at City Agriculture Office ang Galing Balanga Trade Fair.
Pangungunahan ni Balanga City Mayor Jose Enrique Garcia III ang pagbubukas ng programa kasama sina 2nd District Representative Albert Garcia, Wild Bird Club of the Philippines President Michael Lu, Department of Tourism-Region 3 Director Ronaldo Tiotuico, at mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod.
Sinabi ni Mayor Garcia na ang taunang kaganapan ay hindi lamang ginaganap upang pasiglahin ang lokal na turismo kundi isulong din ang balanseng ecosystem.
Ani Garcia, ang pagpapanatili ng balanseng ecosystem ay mahalaga upang makatulong sa pagbawas ng masasamang epekto ng global warming. Mahalaga rin na kilalanin ang gampanin ng mga ibon sa pagkamit ng naturang balanse.
Magbibigay ng pangunahing mensahe si Raymund Francis Rustia, finalist ng programang Survivor Philippines, at sasama sa pagbibigay ng mga premyo para sa mga pre-festival activity na ginawa kahapon. Kabilang dito ang comic making, birdlike cap making, at jingle presentation.
Tampok sa BCWNP ang mga viewing deck, souvenir shop, mga picnic hut, photo booth, audiovisual show, mangrove forest at iba pa. (CLJD/JMG-PIA 3)
Source: http://www.pia.gov.ph/news/index.php?article=1951354689653