Ang Aswang Festival ay isang kontrobersyal na pagdiriwang sa Lungsod Roxas sa lalawigan ng Capiz na idinaraos tuwing Oktubre. Isinasagawa ito para mabago ang negatibong konotasyon na nakakabit sa pangalan ng lalawigan na sinasabing pinamumugaran ng mga aswang.
Pinagmulan
Naging kilala ang Capiz sa mga usap-usapang pinamumugaran ito di umano ng mga aswang. Bihirang dumayo ang mga turista dahil sa takot. Dahil ito, ninais baguhin ng Lungsod ng Roxas ang hindi magandang paningin sa Capiz sa pagtangging walang katotohanan ang mga sinasabi tungkol sa lalawigan, at sa layong maisagawa ito, sinimulan ang Aswang Festival noong taong 2004 sa pangunguna ng Dugo Capiznon, Inc.
Tuwing ika-29 at 30 ng Oktubre idinaraos ang pagdiriwang kung saan nagsusuot ng mga nakatatakot na kostyum na may kinalaman sa mga aswang gaya ng kapre, wak-wak, tikbalang at kung anu ano pa.
Pagdiriwang
Bago sumapit ang Araw ng mga Santo at Araw ng mga Patay o Undas, nagsasagawa ng parada ang mga Capiznon bihis ng mga kasuotang animo'y mga aswang bilang pagdiriwang ng Aswang Festival. Bukod dito, itinatampok din ang mga pagkaing nakukuha sa dagat na pinagmamalaki ng mga Capiznon na siyang sinasabing makapagpapahalina sa mga turista sa pagkakaroon ng magagandang dalampasigan at tanawin.
Matapos ang parada ng mga aswang, nagkakaroon ng trade exhibit, kung saan nagagawang ibenta ng mga negosyante rito ang kanilang produktong lokal para makatulong sa pag-angat ng ekonomiya ng lalawigan.
Pagtutol ng simbahan
Gaya ng mga naunang taon, muling tinutulan ng mga pinuno ng simbahan ang taunang Aswang Festival. Sa kanilang pastoral letter noong 2008, iminungkahi ng mga lokal na parokya na i-boycott ang naturang okasyon. Sa ikalawang araw ng selebrasyon, nagkaroon ng vigil at pagdarasal na sana ay umulan upang matigil ang para sa kanila ay isang hindi nararapat na pagdiriwang. Nagkaroon ng ambon ngunit hindi ito naging sagabal upang mahinto ang isang pinananabikang okasyon. Ayon sa mga pag-uulat, sinabi ng Dugo Capiznon Inc., na pinangungunahan ni Cheryl Ann R. Lastimoso, na siyang tumatayong punong-abala ng festival na tumututol ang simbahan sa pagdiriwang ng iyon dahil ikinakalat daw nito ang paniniwala sa katotohanang mayroong aswang na nagiging dahilan ng takot ng mga bata. Higit pa rito, ang Aswang Festival, ayon pa rin sa mga hindi naniniwala dito ay isang pagdiriwang daw ng mga demonyo.
Pagsang-ayon ng tao
Noong 2008, dinumog ng mga miron ang pinagdausan ng festival upang saksihan ang napakamakulay na parada. Nabighani sila ng paligsahan sa body-painting. Mula sa Manila ay lumipad patungo sa okasyon ang Viva Hot Babes na nagpakitang-gilas sa pamamagitan ng isang nakatutuksong pagsasayaw sa likod ng kanilang nakapanghahalinang mga kasuotan. Nagdulot ito ng mas matinding kagalakan at pananabik sa mga taong nanonood sa palabas.
Usaping kultural
Sa selebrasyon noong 2008, isang symposium ang naganap kung saan tinalakay ang pinagmulan ng aswang mula sa historikal, kultural at sa aspetong paranormal. Tatlong importanteng mananalaysay ang inimbitahan upang ihati ang kanilang karunungan hinggil sa paksa. Ito ay sina Cecille Guidote- Alvarez, ang executive director ng Pambansang Komisyon sa Kultura at Sining (National Commission on Culture and the Arts); Dr. Alicia P. Magos, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas sa Bisayas at si Ginoong Jaime Licauco, isang eksperto sa paranormal.
Binigyang-pagpapahalaga ni Guidote-Alvarez ang kultural na kahalagahan ng naturang pagdiriwang bilang isang alternatibo sa pagseselebra ng mga kanluranin ng halloween. Ayon pa sa kanya,i to ay isang magandang oportunidad upang tuluyan nang mabura ang pangit na imahe ng Capiz sa pamamagitan ng pagtanggap sa isyu ng aswang kaysa ikahiya ang bagay na ito. Binigyang halimbawa rin ni Guidote-Alvarez ang Romania kung saan naghirap ito sa matagal na panahon sapagka't kinikilalang bayang sinilangan ni Count Dracula. Binanggit din niyang nagdesisyon ang Romania na gawin itong isang lugar na nakaaakit ng mga turista at dayo kung saan may mga ipinagdiriwang na masasayang pangyayari o kasiyahan na ang sentro ay ang mga kwento tungkol sa bampira. Ito rin ang naitalang nais na mangyari ng Dugo Capiznon hinggil sa alamat ng aswang sa Capiz.
Source:
http://en.wikipedia.org/wiki/Aswang
http://www.thephilippineisland.com/wp-content/uploads/2012/10/aswang.png
http://www.asiantravelermagazine.com/festivals/aswang/images/12.jpg
http://www.thephilippineisland.com/wp-content/uploads/2012/10/aswang.png